Mas pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pagbabantay sa mga gasolinahan matapos makatanggap ng ulat na ilang istasyon ay pansamantalang nagsara dahil sa nagpapatuloy na krisis sa produktong petrolyo.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan niya ang mga hepe ng pulisya na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at sa Department of Energy (DOE) upang alamin ang mga posibleng dahilan ng biglaang pagsasara ng mga gasolinahan.
Aniya, kung ang dahilan ng pagsasara ay ilegal na gawain o pananamantala, agad na kikilos ang pulisya laban dito.
Matatandaang humiling na rin ang DOE ng tulong sa pulisya upang tukuyin ang mga gasolinahan na posibleng sasamantalahin ang sitwasyon sa Gitnang Silangan para itaas ang presyo ng kanilang produkto.
Kasabay nito, tiniyak ng PNP na may nakahandang contingencies ang kanilang organisasyon upang mapanatili ang peace and order at hindi maapektuhan ng sitwasyong ito.













