-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpahayag ng matinding galit at pagkadismaya si Muhammad Malida Buan, Presidente ng Balik Islam South Cotabato, laban sa Davao City content creator na si Crist Briand kaugnay sa kontrobersyal nitong post na naghahanap umano ng “halal na baboy.”

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Buan, ang ginawa ni Briand ay malinaw na pambabastos at insulto sa pananampalataya ng mga Muslim.

Aniya, “Walang kapatawaran sa amin ang kanyang ginawa,” at mariing kinondena ang paggamit ng social media upang gawing biro ang isang bagay na malinaw na ipinagbabawal sa Islam.

Dagdag pa ni Buan, sisiguraduhin nilang mananagot sa ilalim ng batas ang nasabing content creator, dahil hindi lamang ito usapin ng relihiyon kundi pati na rin ng respeto at dignidad ng bawat mamamayang Muslim.

Binigyang-diin din ng lider ng Balik Islam South Cotabato na ang ganitong klase ng mga post ay nakakapagdulot ng maling akala, diskriminasyon, at lalong nagpapalala ng hindi pagkakaunawaan sa lipunan.

Sa huli, nananawagan si Buan sa publiko at lalo na sa mga kabataan na huwag magpadala sa mga maling impormasyon online, at palaging pairalin ang respeto at pag-unawa sa bawat kultura at pananampalataya.