-- ADVERTISEMENT --

Ipinahayag ni Sen. Sherwin Gatchalian ang kanyang suporta sa panukalang muling pag-aralan ang oil deregulation law upang mabigyan ng mas malaking kapangyarihan ang gobyerno sa pagkontrol sa presyo ng langis.

Ayon sa senador, nakapaghain na siya ng panukalang batas na naglalayong amyendahan ang kasalukuyang polisiya, na aniya’y naglilimita sa pakikialam ng pamahalaan sa fuel pricing.

Aniya, kabilang sa pinakaapektado ng pagtaas ng presyo ng langis ang sektor ng transportasyon, kaya’t nauunawaan niya ang mga hinaing ng mga driver at operator.

Gayunpaman, ipinaliwanag ni Gatchalian na maingat ang gobyerno sa pagbalanse ng mga hakbang upang matulungan ang publiko habang pinapanatili rin ang sapat na kita para sa pamahalaan.

Aniya, bagama’t maaaring makatulong ang pagtanggal ng excise tax o value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo, posible rin itong makaapekto sa pondo para sa mga subsidy at mahahalagang serbisyo ng gobyerno.