-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Binawian ng buhay ang isang 59-anyos na fruit vendor habang sugatan naman ang isang 11-anyos na bata matapos silang mabangga ng isang pick-up truck sa National Highway, Crossing Rubber, Barangay Poblacion, bayan ng Tupi, South Cotabato, pasado ala-una ng hapon, Mayo 18,2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer (MDRRMO) Emil Sumagaysay, nagtamo ng matitinding sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktimang vendor na si Alyas Panoy na mabilis namang dinala sa ospital ngunit idineklarang patay.

Samantala, nilalapatan pa ng lunas ang 11-anyos na bata na nagtamo ng sugat sa pisngi.

Ayon pa kay Sumagaysay, kasalukuyan pang inaalam ng mga pulisya kung kasama ito ng nasawing vendor o isang bystander lamang sa lugar.

Nabatid na ang sangkot na puting pick-up truck ay bumiyahe mula sa General Santos City patungo sanang Cotabato City. Ligtas naman at walang anumang pinsala ang driver nito at ang dalawa pang pasahero na may edad na 36-anyos, at 3 taong gulang.

Agad na nagpadala ng ambulansya ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kasama ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) para rumesponde sa insidente.

Sa ngayon, nasa kostodiya na ng Tupi PNP ang sasakyan habang iniimbestigahan pa kung mechanical o human error ang sanhi ng aksidente, at kung mabilis ang patakbo nito.

Kaugnay nito, nanawagan si MDRRMO Sumagaysay sa mga driver na mag-ingat sa pagmamaneho.

Binigyang-diin niya na dapat sundin ang implementasyon ng speed limit sa lugar dahil malaki ang maitutulong nito para sa kaligtasan ng bawat isa at upang maiwasan ang mga kahalintulad na trahedya.