-- ADVERTISEMENT --

Nais umano ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na makasama ang publiko sa pagdiriwang ng kanyang ika-81 kaarawan sa Marso 28, ayon sa kanyang bunsong anak na si Veronica “Kitty” Duterte.

Ikinuwento ni Kitty na kasalukuyan na nilang inaayos at pinaplano ang isang pampublikong pagtitipon bilang bahagi ng selebrasyon. Aniya, layunin nitong mabigyan ng pagkakataon ang mga tagasuporta at mamamayan na makibahagi sa espesyal na araw ng dating pangulo.

Samantala, wala pa umanong napagkakasunduan ang pamilya kung sino sa kanila ang pupunta sa The Hague upang personal na makasama si Duterte.

Ito na ang ikalawang taon na gugunitain ng dating pangulo ang kanyang kaarawan habang nasa detention facility ng International Criminal Court sa Netherlands. Patuloy pa rin ang paghihintay sa magiging desisyon ng Pre-Trial Chamber I kung itutuloy sa pormal na paglilitis ang kasong crimes against humanity laban sa kanya, kasunod ng apat na araw na pagdinig para sa confirmation of charges.