-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanyang abogado na si Nicholas Kaufman, hindi dadalo si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng video conference sa nakatakdang confirmation of charges hearing sa Pebrero 23.

Sinabi ni Kaufman na hindi rin umano boluntaryong lumahok ang dating Pangulo sa pamamagitan ng video link noong kanyang initial appearance. Dagdag pa niya, tinanggihan ang kanilang kahilingan na ipagpaliban ang unang pagdinig upang makadalo si Duterte nang personal at maihain ang isyu hinggil sa kanyang legal competence.

Samantala, tumanggi ang lead counsel na sagutin kung personal na haharap ang dating Pangulo sa susunod na pagdinig o kung tatalikuran nito ang kanyang karapatang dumalo.

Batay sa abiso ng International Criminal Court (ICC), isasagawa ang pagdinig mula alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon, oras sa The Hague (alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi sa Pilipinas), sa Pre-Trial Chamber I.

Sa naturang pagdinig, bibigyan ng nakatakdang oras ang prosekusyon, depensa, at mga kinatawan ng mga biktima upang ilahad ang kani-kanilang argumento. Layunin ng confirmation hearing na tukuyin kung may sapat na ebidensya upang iakyat ang kaso sa Trial Chamber para sa ganap na paglilitis.