-- ADVERTISEMENT --

Ipapatupad ng Department of Justice (DOJ) ang four-day onsite workweek bilang bahagi ng mga hakbang upang makatipid sa kuryente at gasolina sa gitna ng patuloy na tensyon sa Middle East.

Ang bagong iskedyul ay magtatalaga sa mga kawani na pumasok sa opisina mula Lunes hanggang Huwebes, at magsasagawa naman sila ng mandatory work-from-home setup tuwing Biyernes.

Inaasahan ng DOJ na makakatipid sila ng humigit-kumulang 20,142 kilowatt-hours ng kuryente kada buwan dahil sa bagong polisiya.

Nag-apela si Justice Secretary Fredderick Vida sa mga empleyado na magpatuloy sa pagtitipid ng enerhiya at gasolina, hindi lamang sa opisina kundi pati na rin sa kanilang mga tahanan.

Kasabay ng hakbang na ito, isinusulong ng pambansang pamahalaan ang mga aksyon upang mapagaan ang epekto ng krisis sa langis. Matapos ang urgent certification ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng panukalang batas, binigyan siya ng kapangyarihan na magsuspinde o magpababa ng excise tax sa petrolyo.

Samantala, lumusot naman sa Joint Senate Committees on Energy at Ways and Means ang Senate counterpart ng nasabing panukala noong Marso 12.