-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY — Magkaiba ang legal na kalagayan nina dating Senador at kasalukuyang Mamamayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima at Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng usapin sa paggamit ng video conferencing sa mga pagdinig.


Ito ang nilinaw ni Atty. Jasper Kent Perez, isang private lawyer, sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal, kasunod ng inihaing mosyon ni Senador Rodante Marcoleta para sa paggamit ng video conferencing sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.


Ayon kay Perez, pinayagan noon ang kampo ni De Lima na dumalo sa mga pagdinig sa pamamagitan ng video conferencing dahil siya ay nasa kustodiya ng gobyerno at nakapiit sa bilangguan, dahilan upang hindi ito makadalo nang personal sa mga pagdinig.


Aniya, ang naturang sitwasyon ay may legal na batayan dahil limitado ang galaw ng isang detenido at kinakailangang matiyak ang kanyang partisipasyon sa mga legal na proseso.


Gayunman, sinabi ng abogado na hindi maihahambing dito ang kalagayan ni Senador Dela Rosa dahil nananatili itong malaya at hindi nakapiit.


Dagdag pa nito, mahirap ituring na force majeure ang sitwasyon ng senador sapagkat ang kinakaharap nito ay isang proseso ng batas at hindi isang extraordinaryong pangyayari gaya ng kalamidad o iba pang insidenteng lampas sa kontrol ng tao.


Binigyang-diin ni Perez na ang force majeure ay karaniwang tumutukoy sa mga hindi inaasahang pangyayaring pumipigil sa pagtupad ng isang obligasyon, at hindi sa mga usaping may kaugnayan sa pagpapatupad ng batas.