-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang isang umano’y fixer matapos masakote sa isang entrapment operation sa loob ng Land Transportation Office, Region 12 – South Cotabato District Office sa Koronadal City.

Kinilala ang suspek na si alyas Sangki, 56-anyos, may asawa at residente ng General Santos City.

Ayon sa ulat ng Koronadal City Police Station, dakong alas-diyes trenta’y sais, Huwebes ng umaga, Enero 15,2026 isinagawa ang operasyon na pinangunahan ni PLt. Sherwin F. Cervera.

Huli sa akto ang suspek na nasa tanggapan mismo ng LTO South Cotabato District Office sa Waling-Waling St, Barangay Zone 4, Koronadal City na nagpapadali umano ng transaksyon kapalit ng pera na isang malinaw na paglabag sa Anti-Red Tape Act.

Nabawi mula sa suspek ang dalawang libong pisong marked money na ginamit ng police poseur customer sa entrapment.

Agad namang ipinaalam sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakaaresto at ang kanyang mga karapatan bago siya dinala sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon.

Kasama sa proseso ang paghahanda ng kaso para isampa sa Office of the Prosecutor, habang nananatili ang suspek sa kustodiya ng Koronadal City Police Station.

Matatandaan na nag-viral ang post ng isang motorista na nag-renew ng kanyang driver’s license sa LTO Koronadal District Office sa isang Mall sa Koronadal, matapos ibunyag na hiningan siya ng ₱1,710, ngunit ang nakasaad sa resibo ay ₱585 lamang. Ito ang naging basehan ng imbestigasyon laban sa fixer.