KORONADAL CITY – Nagpalabas ng Notice of Violation at Show Cause Order ang Department of Environment and Natural Resources Region 12 laban sa organizer ng “Holonman Aquathlon 2025” na isinagawa noong Oktubre 26, 2025, sa Lake Holon Campsite, Mt. Melibengoy, Barangay Salacafe, bayan ng T’boli, South Cotabato.
Ang nasabing aktibidad na kinabibilangan ng swimming at trail running ay inorganisa ng Body Kinetix Event Services and Management, katuwang ang Municipal Government ng T’boli.
Gayunman, natuklasang walang kaukulang clearance ang naturang event mula sa Protected Area Management Board (PAMB) ng Allah Valley Protected Landscape (AVPL).
Dahil dito, naglabas ng Notice of Violation at Show Cause Order ang Protected Area Management Office ng AVPL noong Oktubre 28, na inihain kay Mr. Esteban T. Co Jr. ng Body Kinetix Event Services.
Kasabay nito, isang opisyal na liham ang ipinadala sa LGU-T’boli upang humingi ng paliwanag kung paano naisagawa ang aktibidad sa kabila ng kawalan ng permit mula sa PAMB.
Nagsagawa naman ng technical conference ngayong Oktubre 30, na dadaluhan ng mga kinatawan mula sa event organizer at lokal na pamahalaan ng T’boli upang talakayin ang detalye ng paglabag at mga kaukulang aksyon alinsunod sa mga batas pangkalikasan.
Ayon sa DENR-12, layunin ng hakbang na tiyakin ang maayos na koordinasyon at mahigpit na pagsunod ng mga event organizers at LGUs sa mga regulasyon, lalo na kung ang aktibidad ay isinasagawa sa loob ng protected areas.
Batay sa Republic Act 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System (E-NIPAS) Act of 2018, kinakailangan ang paunang pahintulot mula sa Protected Area Management Board bago magsagawa ng anumang aktibidad sa mga protektadong lugar upang mapanatili ang pangangalaga sa kalikasan.













