-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng Koronadal City PNP sa nangyaring pamamaslang ng isang binata sa isang dalagang kapwa estudyante sa loob ng comfort room (CR) ng kanilang paaralan na sinasabi nitong girlfriend umano niya.

Kinilala ang suspek kay Peter John Lacro residente ng San Felipe Tantangan, South Cotabato nasa legal na edad, estudyante ng Marvelous College of Technology kung saan siya ang itinututurong suspek sa pagpatay kay Angela Jamora, 19-anyos, na taga Brgy. Improgo Banga, South Cotabato at estudyante din ng nasabing paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mike Enierga, security guard ng nasabing paaralan ikinagulat na lamang nila ang nasabing pangyayari matapos inireport na may ingay na narinig sa loob ng CR kung saan sa pagresponde nito naabutan pa ang suspek sa loob.

Samantala, base naman sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo, nagkaroon umano ng mainit na argumento ang dalawa matapos malaman ng suspek na nagdadalang tao si Angela kung saan sa sobrang galit pinasok nito sa CR ang biktima at pinag-uuntog ang ulo sa pader ng Comfort Room.

Agad namang inako ng suspek ang nasabing krimen at boluntaryong sumuko sa mga otoridad.

Matinding selos umano ang dahilan ng nasabing pagpatay sa biktima matapos lumabas ang balitang may ibang boyfriend ang babae.

Sa kabilang dako, base kay Jan-Jan, pinsan ng biktima, nakita na nito ang suspek ngunit hindi ito ang nobyong ipinakilala sa kanila.

Emosyonal naman nitong sinabi na mabait ang kanilang pinsan at marami pang pangarap sa buhay.

Itinanggi naman ng ina ni Angela na buntis ang kanyang anak at labis naman ang galit sa suspek, base din sa ina nito iba umano ang nobyo ng kanilang anak at hindi ang suspek.

Naghihinagpis naman ang pamilya Jamora dahil sa sinapit ng ni Angela.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal, umapela naman ang pamilya ng biktima na wag magpakalat ng maling impormasyon laban sa kanilang anak habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon.

Para sa karagdagang balita at impormasyon makinig sa BOMBO RADYO KORONADAL 1026khz (AM STATION) sa inyong mga radyo o sa live streaming via
www.bomboradyo.com/am-stations/koronadal