-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang tatlong lalaki, kabilang ang isang estudyante, matapos mahulihan ng iligal na droga at baril sa isang buy-bust operation sa Barangay Caloocan, Koronadal City, bandang 10:50 ng gabi, Agosto 1, 2025.

Arestado sa operasyon ang mga suspek na sina alyas Kanoy, 41-anyos, isang magsasaka; alyas Junie, 45-anyos, isang dicer na residente ng Brgy. San Jose; at alyas Makoy, 23-anyos, isang estudyante na taga-Isulan, Sultan Kudarat.

Nakuha mula sa kanila ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 15 gramo at tinatayang halaga na P102,000.

Kasama rin sa narekober ang mga drug paraphernalia, P500 buy-bust money, isang break-even pistol na may isang bala ng 12-gauge, Yamaha Aerox at Kawasaki Bajaj motorcycles, at iba pang personal na gamit.

Sa ngayon, nananatili sa kustodiya ng Koronadal City PNP ang mga suspek habang inihahanda ang mga kaukulang kaso laban sa kanila.