Pinalalawak ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon nito sa umano’y iregularidad sa flood control infrastructure projects matapos magsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng mga kasong plunder laban kina Senator Jinggoy Estrada at dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr.
Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, magkakahiwalay na plunder complaints ang inihain ng NBI laban sa dalawang mambabatas. Nauna na ring masampahan ng kaparehong reklamo si dating Ako-Bicol party-list representative Zaldy Co, na sumailalim na sa preliminary investigation noong Enero 5.
Sinabi ng DOJ na ang mga kaso ay posibleng may paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Code of Conduct and Ethical Standards.
Kasabay nito, patuloy ring iniimbestigahan ng ahensya ang anim pang kaso na may kaugnayan sa flood control projects ng Wawao Construction at Topnotch Catalyst Builders, kung saan kabilang sa mga nasasangkot sina Revilla at Senator Joel Villanueva.













