-- ADVERTISEMENT --

Hinimok ni Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero ang magkabilang panig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte na magtalaga ng hiwalay na spokesperson na hindi bahagi ng kanilang legal team.

Ayon kay Escudero, kasalukuyang nagsisilbing tagapagsalita ng kani-kanilang panig ang mga miyembro rin ng legal counsel, kabilang sina Atty. Benjamin Tolosa para sa prosecution at Atty. Michael Poa para sa depensa.

Bagama’t sinabi niyang wala pang nakikitang paglabag sa kanilang mga naging pahayag, iginiit ni Escudero na mas mainam na magkaroon ng nakatalagang spokesperson upang maiwasan ang posibleng isyu sa pagbibigay ng komento hinggil sa kaso habang nagpapatuloy ang paglilitis.

Dagdag pa niya, patuloy na imo-monitor ng impeachment court ang mga pahayag ng mga abogado ng magkabilang panig upang matiyak na hindi maaapektuhan ang proseso ng paglilitis.

Samantala, sinabi ni impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol na may kalayaan ang prosecution at defense panels na magtalaga ng bagong tagapagsalita kung nais nila.

Nilinaw rin ni Tongol na wala pang nakikitang paglabag sa sub judice rule sa mga naging pahayag nina Poa at Tolosa.