Inilatag ng legal counsel para sa mga kaso ng extrajudicial killings (EJKs) at human rights lawyer na si Atty. Neri Colmenares ang dalawang pangunahing batayan kung bakit maaaring ipagpatuloy ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon at posibleng paglilitis laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, kahit pa umatras na ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.
Una, ayon kay Colmenares, sa ilalim ng Article 127 ng Rome Statute, nananatili pa rin ang obligasyon ng isang bansang miyembro sa mga kasong sinimulan noong panahon na kasapi pa ito ng ICC. Kabilang dito ang preliminary examination na inilunsad noong 2018 habang miyembro pa ang Pilipinas.
Ikalawa, iginiit ng abogado na kinilala rin umano ng pamahalaan ang hurisdiksyon ng ICC sa pamamagitan ng ilang aksyon, kabilang ang pagsusumite ng mga dokumento noong 2021 at 2022 na humiling na ipagpaliban muna ang imbestigasyon.
Nagbabala rin si Colmenares na kung papaboran ang posisyon ng kampo ni Duterte, maaari itong magbukas ng posibilidad para sa ibang lider ng bansa na umiwas sa pananagutan sa pamamagitan lamang ng pag-alis sa ICC.
Samantala, nananatiling determinado ang mga pamilya ng mga biktima na ipagpatuloy ang kanilang laban para sa hustisya.
Inaasahang bukas, Abril 22, bandang 11:00 ng umaga sa The Hague (5:00 ng hapon sa Pilipinas), ilalabas ng Appeals Chamber ng ICC ang pinal na desisyon sa apela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng isyu ng hurisdiksyon ng korte sa kasong crimes against humanity.













