Patuloy ang pag-angat ni Pinay tennis star Alex Eala sa international stage matapos niyang muling talunin ang isa sa mga pinakamahusay na manlalaro sa mundo.
Sa quarterfinals ng DC Open sa Washington, D.C., pinataob ni Eala ang World No. 10 na si Elina Svitolina sa straight sets, 6-3, 6-4, upang maselyuhan ang kanyang puwesto sa semifinals ng torneo.
Mahigpit ang naging simula ng unang set, ngunit nakuha ni Eala ang momentum matapos makuha ang 4-2 na kalamangan bago tuluyang isara ang set sa iskor na 6-3.
Hindi rin nagpadaig ang 20-anyos na Filipina sa ikalawang set kahit maagang nakalamang si Svitolina ng 2-0. Agad siyang bumawi sa pamamagitan ng tatlong magkakasunod na game at kalauna’y naagaw ang kontrol ng laban.
Nakapantay pa sa 4-all ang Ukrainian, ngunit nanatiling kalmado si Eala at sinelyuhan ang panalo sa huling dalawang game upang makumpleto ang isa na namang impresibong upset.
Mas tumitibay pa ang kumpiyansa ni Eala laban kay Svitolina dahil ito na ang ikalawang pagkakataong tinalo niya ang Ukrainian matapos din itong pabagsakin sa Berlin Open noong Hunyo.
Susunod na haharapin ni Eala sa semifinals ang dating World No. 1 na si Naomi Osaka, na nagwagi laban kay Elisabetta Cocciaretto sa kabilang quarterfinal match.
Ang panibagong tagumpay ay isa na namang malaking hakbang para kay Eala sa kanyang patuloy na pagbuo ng pangalan bilang isa sa mga bagong puwersa sa world tennis.













