Iniimbestigahan ng Embahada ng Pilipinas sa United Arab Emirates (UAE) ang ulat na dalawang Pilipino ang naaresto sa Dubai dahil sa umano’y pagre-record at pagbabahagi ng mga video kaugnay ng kamakailang pag-atake sa bansa.
Ayon sa pahayag ng Philippine Embassy sa Abu Dhabi at Consulate General sa Dubai, humiling na sila ng opisyal na kumpirmasyon at impormasyon mula sa mga awtoridad sa UAE tungkol sa pagkakakilanlan, kalagayan, at legal na sitwasyon ng mga Pilipinong sangkot.
Iginiit ng mga opisyal na iginagalang ng Pilipinas ang soberanya ng UAE at ang pagpapatupad ng batas nito kaugnay ng national security, cybercrime, at public order. Pinapaalalahanan din ng UAE na ang pagbabahagi ng mali o hindi beripikadong impormasyon—kabilang ang mga video ng air defense interceptions, pag-atake sa mga landmark, o AI-generated na video—ay maaaring ituring na krimen na may kasamang pagkakakulong at mabigat na multa.
Dahil dito, nanawagan ang mga diplomatikong opisyal sa mga Pilipino sa UAE na maging maingat sa kanilang online activities at umiwas sa pagkuha, pag-post, o pagkomento sa hindi kumpirmadong impormasyon. Sa halip, hinihikayat ang komunidad na sumunod lamang sa opisyal na pahayag ng pamahalaan ng UAE.
Batay sa ulat, kabilang ang dalawang Pilipino sa 25 katao na naaresto sa Dubai dahil sa pagbabahagi ng mga video sa internet kaugnay ng mga pag-atake. Kabilang din sa mga nadakip ang ilang dayuhan mula sa India, Pakistan, at Bangladesh.













