Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hiwalay ang P5,000 fuel subsidy na ipinagkakaloob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pinansiyal na tulong na manggagaling sa ahensiya.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, kasalukuyang listahan lamang ng mga tricycle driver ang hinihingi ng kanilang tanggapan mula sa mga lokal na pamahalaan. Para naman sa mga jeepney driver, manggagaling ang listahan ng mga benepisyaryo mula sa rekord ng LTFRB.
Binigyang-diin din ng kalihim na wala silang ipinataw na karagdagang requirements para sa mga nais makatanggap ng tulong.
Ginawa ni Gatchalian ang paglilinaw matapos ihayag ni Manibela chairperson Mar Valbuena na nahihirapan umano ang ilang tsuper na makapasok sa programa ng DSWD na Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) dahil sa mga requirements na ipinatutupad ng ilang lokal na pamahalaan.
Ipinunto rin ni Valbuena na may mga pagkakataong umano’y gumagamit ng lumang listahan ng mga benepisyaryo para sa cash assistance program, na aniya’y mula pa noong panahon ng COVID-19 pandemic.












