Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na hindi na kailangan ng sertipikasyon mula sa Commission on Elections (COMELEC) para makakuha ng cash relief assistance ang mga kwalipikadong public utility vehicle (PUV) drivers.
Ang pahayag ay kasunod ng ulat sa Cebu City kung saan umano’y hiningan ng COMELEC certificate ang isang habal-habal driver bago mabigyan ng ayuda.
Ayon kay Irene Dumlao, layunin ng ahensya na mapabilis ang distribusyon ng tulong kaya hindi na nila hinihingi ang naturang dokumento.
Dagdag pa niya, ang ₱5,000 cash assistance ay bahagi ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), na ipinagkakaloob sa mga kwalipikadong PUV drivers upang makatulong sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.













