Ayon kay Rowena Macalintal, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Philippine National Police at sa Women and Children Protection Center upang tutukan ang mga Facebook group na nag-aalok ng sanggol kapalit ng bayad o nagpo-promote ng hindi awtorisadong adoption.
Iniulat na umaabot sa P8,000 hanggang P130,000 ang bentahan ng mga sanggol, habang ang ilang online group ay may mahigit 13,000 miyembro. Gayunman, ipinaliwanag ni Macalintal na hindi agad maaaring ipasara ang lahat ng naturang grupo dahil may mga isinasagawang law enforcement at entrapment operations laban sa mga sangkot.
Binigyang-diin din ng opisyal na parehong maaaring managot sa batas ang mga nagbebenta at bumibili ng bata, sapagkat mahigpit na ipinagbabawal ang online adoption sa Pilipinas.
Ayon pa sa NACC, ang lehitimong proseso ng pag-aampon ay tumatagal lamang ng humigit-kumulang siyam na buwan kung kumpleto ang mga dokumento at nasusunod ang itinakdang mga hakbang.
Para naman sa mga magulang na nahihirapang alagaan ang kanilang anak, pinayuhan silang lumapit sa NACC, mga tanggapan ng DSWD, o sa mga lisensyadong child care facilities para sa wastong assessment at counseling.
Sa huli, nanawagan si Macalintal ng pormal na dayalogo sa pagitan ng pamahalaan at Meta upang mapigilan ang pagbuo ng mga online group na lumalabag sa batas at naglalagay sa kapakanan ng mga bata sa panganib.













