-- ADVERTISEMENT --

Muling nagpaabot ng tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ng isang 11-taong-gulang na batang babae na sumulat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang isumbong ang umano’y pang-aabuso at harassment na dinanas niya at ng iba pang mga bata mula sa isang opisyal ng barangay sa kanilang lugar.

Ayon sa pahayag ng ahensya noong Lunes, agad namang inaksyunan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang kahilingan ng bata, alinsunod sa direktiba ng Pangulo.

Ibinahagi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na nagsagawa na ang DSWD Field Office 5 – Bicol Region ng on-site assessment sa Redeemer Homeless Mission, isang pansamantalang tirahan para sa mga pamilyang naapektuhan ng kahirapan at kalamidad.

Limang pamilya sa nasabing non-profit mission ang nakatanggap na ng tig-P10,000 na tulong pinansyal, kabilang ang pamilya ng batang sumulat.

Nagbigay rin ang DSWD ng psychosocial first aid (PFA) sa tatlo pang bata na naninirahan sa mission. Ayon kay Dumlao, lumabas sa assessment na may kakulangan sa access sa mga pangunahing serbisyo, matatag na kabuhayan, at mga mekanismo para sa proteksyon upang masiguro ang kaligtasan at maayos na pag-unlad ng mga bata.

Ipinangako ng DSWD na magsasagawa sila ng mga home visit ngayong linggo para sa iba pang mga bata at kanilang pamilya. Makikipag-ugnayan din sila sa Bicol Regional Hospital and Medical Center upang makapagpadala ng lisensyadong psychologist para sa karagdagang psychosocial support.

Samantala, ang dalawang pamilyang hindi pa nakatatanggap ng tulong ay bibigyan din ng cash assistance sa loob ng linggong ito.