SURALLAH, SOUTH COTABATO – Binawian ng buhay matapos manlaban ang isang hinihinalang drug personality sa isinagawang buy-bust operation sa Purok Arca, Barangay Colongulo, Surallah, South Cotabato pasado alas-9:44 ng umaga, Martes, Setyembre 2, 2025.
Kinilala ng Surallah PNP ang suspek na si alyas “Buryong”, 39-anyos, binata, isang magsasaka at residente ng naturang barangay.
Ayon sa ulat, nakabili ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang police poseur-buyer mula sa suspek. Subalit nang aarestuhin na, pinadapa siya ng mga operatiba at bigla umanong bumaligtad, bumunot ng baril at nagpaputok kay PLTCOL Lemuel Josef Jancon Clarete, hepe ng Surallah PNP. Masuwerteng hindi tinamaan ang opisyal at agad nakaganti ng putok, na tumama sa dibdib ng suspek.
Agad na isinugod ang suspek sa SOCCSKSARGEN General Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Narekober mula sa operasyon ang 10 sachet ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng 2.60 gramo at nagkakahalaga ng ₱17,680; 1.50 gramo ng marijuana na nagkakahalaga ng ₱1,152; ₱1,000 marked money; isang .38 caliber revolver na may mga bala; at iba pang drug paraphernalia.
Batay sa rekord ng pulisya, kabilang ang suspek sa Street Level Individual ng drug watchlist.