KORONADAL CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay ng karambola ng tatlong sasakyan sa Purok Boundary, Barangay Magon, Tantangan, South Cotabato na nagresulta sa pagkamatay ng driver ng motorsiklo at ng kanyang angkas, habang anim pa ang sugatan pasado alas-11:00 ng umaga nitong Biyernes, Oktubre 24, 2025.
Batay sa ulat ng Tantangan Municipal Police Station, sangkot sa insidente ang isang Suzuki Swift na minamaneho ni alyas Vengie, 46-anyos, empleyado ng DepEd at residente ng Misamis Oriental; isang Yamaha NMAX na minamaneho ni alyas Joerhen, 23-anyos, bagong graduate mula Tacurong City; at isang Toyota Rush na minamaneho naman ni alyas Jaypie, isang doktor mula Esperanza, Sultan Kudarat.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng Suzuki Swift ang national highway mula Tacurong patungong Koronadal nang bigla itong magpreno dahil sa motorsiklong nasa unahan.
Nawalan umano ito ng kontrol, dahilan upang sumalpok sa kasalubong na Yamaha NMAX bago tumama sa Toyota Rush.
Malubhang sugat ang tinamo ng driver ng motorsiklo at angkas nitong si alyas Rhian na agad dinala sa St. Louis Hospital sa Sultan Kudarat ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician. Habang dahil sa lakas ng impact ng pagkakasalpok ng motorsiklo ay nagliyab ito at nasunog.
Samantala, halos minor injuries lamang ang natamo ng driver ng Toyota Rush, gayundin ang driver ng Suzuki Swift at mga pasahero nito na kinilalang si alyas Lelibeth, 51-anyos, empleyado ng LGU Balingasag,Misamis Oriental at tatlong batang atleta ng Batang Pinoy na sina Pearl (13), Keziah (16), at Andrea (13).
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi ng aksidente at kung may pananagutan ang alinman sa mga sangkot na motorista.












