-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng mga otoridad ang drayber na naka-hit-and-run sa 69-anyos na biyuda na si Eleuteria Taburnal sa Purok Ilang-Ilang, Barangay Saravia, Koronadal City, Sabado ng umaga, Disyembre 13,2025.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PMSGT Fely Bascon, investigator ng PNP Traffic Section ng Koronadal City nahuli ang drayber matapos ang isinagawang operasyon dahil nakunan ng CCTV footage ang aksidente.

Agad din na sumuko ang drayber matapos na mahanap ang pinagtataguan nito matapos ang aksidente.

Matatandaan na tumatawid si Taburnal mula sa kaliwang bahagi ng national highway nang masagasaan siya ng RUSSI 125 na motorsiklo na galing Tupi patungong Barangay Carpenter Hill.

Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima at natumba rin ang motorsiklo, ngunit agad na tumakas ang drayber.

Una nang inihayag ni Bascon na mahaharap ang drayber sa kasong Qualified Reckless Imprudence dahil sa pagtakas nito sa kanyang obligasyon.

Sa hiwalay na panayam ng Bombo Radyo sa kapatid ng biktima na si Rosenda Lagunday, sinabi nito na nanggaling lamang si Eleuteria sa kanilang bahay at nagkape ngunit nang umalis ito at habang naglalakad sa Pedestrian ay nabangga ng motorsiklo.

Sa naging salaysay naman ng nahuling suspek ay tumakas ito sa takot na saktan umano ng mga kamag-anak ng biktima na nabangga nito.

Wala ding driver’s license ang suspek at registration ang motorsiklo na gamit nito.

Sa ngayon, nais ng pamilya ng biktima na managot ito dahil kasalukuyan pang nasa hospital ang Senior Citizen at unconscious hanggang sa ngayon.