Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pamamaril sa isang lalaki habang minamaneho ang kanyang Toyota Innova na may plakang LGN 455 sa Sitio Atao, Barangay Tulunan, Datu Anggal Midtimbang, Maguindanao del Sur, kaninang umaga.
Kinumpirma ni PMaj. Zukarnain Kunakon, hepe ng Datu Anggal Midtimbang Municipal Police Station, na kinilala ang biktima sa pangalang “Aldrin,” residente ng General Santos City, base sa nakuhang identification card.
Ayon sa imbestigasyon, palabas na ng national highway ang biktima mula sa loobang bahagi ng Barangay Tulunan nang bigla itong tambangan pasado alas-nuwebe ng umaga ngayong Huwebes.
Sa inspeksyon ng sasakyan, narekober ang isang baril at hinihinalang shabu, na kasalukuyang iniimbestigahan ng mga otoridad.
Agad namang isinugod sa ospital ang biktima upang malapatan ng lunas. Patuloy pang inaalam ng pulisya ang motibo sa krimen at kung sino ang mga suspek.