-- ADVERTISEMENT --

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa banggaan ng isang van at trailer truck sa Purok 3, Quarry, Barangay Sampagar, Damulog, Bukidnon pasado alas-3 ng hapon, noong Agosot 11, 2025, na nagresulta sa pagkamatay ng drayber at pagkasugat ng limang madre at isang monghe.

Kinilala ang nasawing biktima sa alyas Fredo, 66-anyos, residente ng Sinayawan, Valencia City.

Ayon sa ulat, patungo umano sa Cotabato City ang minamanehong Nissan van ni Fred, lulan ang limang madre at isang monghe mula sa San Jose Monastery sa Malaybalay City.

Batay sa paunang impormasyon, bigla umanong lumipat ng linya ang trailer truck na minamaneho ni alyas Don, 29, residente ng Sarmento, Parang, Maguindanao, dahilan upang magsalpukan ang dalawang sasakyan.

Dahil sa lakas ng banggaan, nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan si Fred at agad na isinugod sa ospital, ngunit idineklara ng mga doktor na dead on arrival. Ligtas naman ang kondisyon ng mga madre at monghe, subalit patuloy pa rin silang binibigyan ng atensyong medikal.

Pansamantalang nasa kustodiya ng Damulog Municipal Police Station ang drayber ng truck para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.