-- ADVERTISEMENT --

“Poorly planned and poorly executed.” Ito ang matapang na pahayag ni Department of Public Works and Highways Secretary Vivencio “Vince” Dizon matapos niyang inspeksyunin ang PHP 1.9 bilyong flood control project sa Mananga River sa lungsod ng Talisay, Cebu.

Ayon kay Dizon, hindi naging epektibo ang proyekto sa pagpigil ng malakas na pagbaha na dala ng Bagyong Tino noong Martes ng umaga. Dahil dito, pitong katao ang nasawi habang walo pa ang patuloy na pinaghahanap.

Sa ginawang inspeksyon sa Sitio Isla Verde, Barangay San Isidro, kasama sina Talisay City Mayor Gerald “Samsam” Gullas, DPWH Region 7 Director Danilo Villa, at iba pang opisyal, sinabi ni Dizon na hindi sapat ang mga itinayong revetment walls upang mapigil ang rumaragasang tubig.
Dagdag pa niya, mas nararapat sanang nagtayo ng mga dam sa kabundukan na dinadaanan ng Mananga River upang makontrol ang bugso ng tubig tuwing may bagyo at maiwasan ang pag-apaw nito sa mga komunidad.

Samantala, nangako ang kalihim na magkakaroon ng rebisyon sa mga plano ng flood mitigation projects, hindi lamang sa Talisay City, kundi pati na sa buong lalawigan ng Cebu, upang hindi na maulit ang trahedya.

Iminungkahi rin ni Dizon na isama sa susunod na pambansang badyet ang pondo para sa bagong master plan sa flood control projects ng buong Cebu Province , bagay na sinang-ayunan ni Mayor Samsam Gullas, na nagpahayag ng kahandaang makipagtulungan para sa naturang hakbang.

Matatandaan na umabot sa PHP 1.9 bilyon ang halaga ng flood control projects sa Mananga River na itinayo ng QM Builders, at itinuturing na pinakamalaking flood control project sa isla ng Cebu.

Tiniyak din ni Secretary Dizon na ipaiimbestiga ng kanyang tanggapan ang mga kontrata ng proyekto upang matukoy kung may posibleng iregularidad o anomalya sa implementasyon nito.