-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Magtatayo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng bagong 6-kilometrong ruta matapos gumuho ang bahagi ng kalsada mula Lake Sebu patungong Maitum, partikular sa Sitio Eldulog, Barangay Ned, na malapit sa coal mining area sa lugar, na nagdulot ng panganib sa mga motorista at residente.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal, sinabi ni Vince Dizon na agad silang nagpadala ng geologist upang magsagawa ng masusing pagsusuri sa lugar. Ayon sa kalihim, patuloy ang pagguho ng lupa sa iba’t ibang bahagi kaya’t hindi na ligtas at praktikal na ayusin pa ang kasalukuyang daan.

Ipinaliwanag ni Dizon na ang planong bagong ruta ay muling magkokonekta sa National Highway upang maibalik ang maayos na daloy ng transportasyon sa rehiyon. Gayunman, may 1.2 kilometro ng bahaging daraanan ng proyekto na sakop ng lupain ng mga Indigenous Peoples (IPs), kaya kinakailangan ang koordinasyon sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang matiyak ang pagsunod sa tamang proseso at paggalang sa karapatan ng mga IP.

Kasama ni Dizon sa pagbisita sa lugar si South Cotabato Congressman at Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez at iba pang opisyal upang personal na inspeksyunin ang sitwasyon.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DPWH sa pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Reynaldo Tamayo Jr. para sa usapin ng kompensasyon at kapakanan ng mga maaapektuhang residente.

Tiniyak ng DPWH na maayos ang magiging disenyo at plano ng bagong kalsada upang masiguro ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang kaparehong insidente sa hinaharap.

Target ng ahensya na masimulan ang konstruksyon ngayong taon upang mabawasan ang perwisyo sa mga motorista at komunidad na umaasa sa naturang ruta.