Nagpaliwanag ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs na ang nangyari ngayong araw, Oktubre 10, sa Manay, Davao Oriental, ay maaaring ituring na “doublet earthquake.”
Ayon sa ahensya, ang unang nangyaring pagyanig alas-9:43 Biyernes ng umaga, tumama ang lindol na may magnitude 7.4, at kagabi sa kaparehong petsa, alas-7:12, ay tumama muli ang lindol na may magnitude 6.8 sa parehong lugar.
Ang “doublet earthquake” ay lindol na nagaganap halos sa parehong lugar na may dalawa o higit pang main shocks na may bahagyang pagkakaiba sa magnitude. Ipinaliwanag ng Phivolcs, “This happens when faults or trenches are causing the stress to trigger a sequence of events.”
Binigyang-diin ng ahensya ang mga halimbawa ng doublet earthquake tulad ng 2023 Hinatuan Earthquake sa Surigao del Sur at ang Manay earthquake noong Mayo 1992, na parehong na-trigger ng Philippine Trench.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, matatagpuan ang Philippine Trench sa silangang bahagi ng Pilipinas — mula Bicol sa Luzon hanggang Mindanao.
Sa kabilang banda, umabot na sa halos 500 aftershocks ang naitala hanggang alas-8 ng gabi, kasunod ng magnitude 7.4 na lindol kaninang umaga.
Nagbibigay ng babala ang Phivolcs sa publiko na manatiling alerto at maghanda sa posibleng karagdagang aftershocks.