Iniutos ng Department of Transportation (DOTr) sa Manila International Airport Authority (MIAA) na makipag-ugnayan agad sa pribadong operator ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang New NAIA Infra Corp. (NNIC), upang magsagawa ng agarang imbestigasyon ukol sa pagbagsak ng bahagi ng kisame sa arrival extension ng Terminal 1. Ang hakbang na ito ay kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na laging unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga pasahero at mga empleyado sa paliparan.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, inatasan na ang MIAA at NNIC na tiyakin ang seguridad ng lahat ng pasahero at tauhan sa paliparan. Ipinag-utos din niyang magsumite ng detalyadong ulat hinggil sa sanhi ng insidente. Batay sa paunang ulat mula sa NNIC, pitong indibidwal ang nasugatan at agad na nabigyan ng medikal na tulong sa lugar.
Sa kabila ng insidente, nananatiling normal ang operasyon sa NAIA Terminal 1, at hindi naapektuhan ang mga flight schedules. Patuloy na binabantayan ng DOTr ang sitwasyon at inaasahan ang masusing pagsusuri upang matiyak na maagapan ang anumang potensyal na panganib at maiwasan ang mga ganitong insidente sa hinaharap.
Tiniyak ng DOTr at NNIC na magiging transparent sa pag-uulat ng findings ng imbestigasyon at isasagawa ang mga kinakailangang hakbang upang mapanatili ang kaligtasan ng lahat sa paliparan.













