KORONADAL CITY – Nagpasalamat si Cong. Ferdinand “Dinand” Hernandez ng segundo distrito g South Cotabato sa Department of Health (DOH) sa kanilang buong suporta para sa pagpapalakas ng serbisyong pangkalusugan sa rehiyon.
Kabilang dito ang conversion ng SOCCSKSARGEN General Hospital bilang isang Level III Hospital na kikilalanin bilang SOCCSKSARGEN Regional and Medical Center.
Kasabay nito, ang pagkakatalaga kay Dr. Leila F. Quidilla bilang bagong Medical Center Chief ng naturang ospital. Mayroon ding karagdagang ₱300 milyon na pondo na inilaan para sa dagdag na medical personnel, kagamitan, at imprastruktura.
Bukod dito, ibinigay rin ng DOH ang suporta sa karagdagang ₱100 milyon na pondo para matapos ang ₱200 milyong Provincial Hospital Building, na una nang napondohan sa tulong ni Senador JV Ejercito.
Samantala, masaya ring ibinalita ni Cong. Hernandez na kabilang ang Lalawigan ng South Cotabato sa unang apat na Primary Care Provider Network (PCPN) sandbox sites, pilot area ng Konsulta Package sa ilalim ng Universal Health Care Act.
Kasama rito ang pagpayag ng PhilHealth na itaas ang package value sa ₱1,700 para sa primary care ng mga kababayan. Dagdag pa rito, suportado rin ng DOH ang panukalang dagdag na benepisyo para sa mga health workers sa pamamagitan ng amyenda sa Magna Carta of Public Health Workers.
Dagdag pa ng kongresista, katuwang ang DOH sa pagtugon sa pangangailangan ng sektor ng kalusugan upang mas mapabuti pa ang serbisyo para sa mga mamamayan ng SOCCSKSARGEN at ng buong bansa.