-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ng Department of Migrant Workers (DMW) sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Gulf region ang kahalagahan ng pagiging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon sa social media, lalo na sa gitna ng patuloy na digmaan sa Gitnang Silangan. Ayon sa DMW, ang pagpapakalat ng pekeng balita ay maaaring magdulot ng seryosong parusa sa ilang bansa sa rehiyon, kaya’t mahalaga ang pagiging responsable sa paggamit ng social media.

Sa isang advisory, sinabi ng DMW na kritikal ang mga OFW sa mga balitang nakikita online at dapat ay umasa lamang sa mga opisyal at beripikadong sources. Ito ay upang maiwasan ang anumang legal na problema na maaaring idulot ng maling impormasyon, lalo na sa mga bansang tulad ng United Arab Emirates (UAE) at iba pang bahagi ng Middle East, kung saan mahigpit ang mga cybercrime laws at maaaring managot ang OFWs kapag nagbahagi ng hindi beripikadong impormasyon.

Mga Dapat Gawin:

  1. I-verify ang impormasyon bago i-share at siguraduhing mula sa opisyal at mapagkakatiwalaang sources.
  2. Sundin ang advisories at anunsyo ng host government at Philippine Embassy.
  3. I-report ang anumang kahina-hinalang impormasyon at manatiling kalma at matalino sa mga balita.

Mga Hindi Dapat Gawin:

  1. Huwag mag-share o mag-forward ng hindi beripikadong balita, larawan, o video.
  2. Iwasang mag-post o mag-komento tungkol sa sensitibong isyu kung walang kumpirmadong detalye.
  3. Huwag kumuha o mag-upload ng larawan o video ng insidente nang walang pahintulot.
  4. Huwag makisali sa pagpapakalat ng tsismis o maling impormasyon na maaaring magdulot ng takot o kaguluhan.

Ayon sa DMW, ang paglabag sa batas ng host country sa paggamit ng social media ay maaaring magresulta sa multa, pagkakakulong, o deportasyon, kaya’t mahalaga ang pagiging maingat sa bawat aksyon online.

Para sa mga OFW, maaaring sundan ang website ng DMW sa dmw.gov.ph, o ang kanilang mga social media accounts sa Facebook, X (Twitter), YouTube, at TikTok para sa beripikado at updated na impormasyon. Maari ring mag-email sa feedback@dmw.gov.ph para sa mga katanungan o karagdagang impormasyon.