-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Umaasa ang Diocese of Marbel at ang mga environmental advocates na papaboran ng Korte Suprema ang kanilang petisyon laban sa FOI manual ng DENR, na umano’y naglilimita sa access ng publiko sa mahahalagang impormasyon tungkol sa kalikasan.

Lalo na ang datos tungkol sa mga aplikasyon sa pagmimina sa Tampakan, South Cotabato at sa Lake Sebu, South Cotabato. Ito ang inihayag ni Father Angel Buenavides, Vicar General ng Diocese of Marbel, sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Father Angel, pinangunahan ni Bishop Cerilo Casicas, DD, kasama ang Legal Rights and Natural Resources Center (LRC), ang pagsampa ng 38-pahinang petisyon na humihimok sa Korte Suprema na maglabas ng temporary restraining order laban sa FOI manual ng DENR at ipatigil ang implementasyon nito.

Hiningi rin nila sa Supreme Court na pilitin ang DENR na bigyan ang publiko ng access sa mga impact statements at iba pang dokumento na isinumite ng mga kumpanya sa pag-aplay ng Environmental Compliance Certificates (ECCs), na kinakailangan para sa pag-apruba ng mga proyekto.

Naniniwala ang mga petitioners na nahihirapan ang publiko at mga grupo na masubaybayan at malaman ang mga proyektong may malaking epekto sa kalikasan kung hindi mapagbigyan ang kanilang panalangin.

Binanggit pa ni Father Angel na ang korupsiyon ay hindi lamang tungkol sa pera, kundi pati sa isipan, ideya, at kultura, na nagiging hadlang sa tamang pamamahala ng kalikasan.

Ibinahagi rin ng mga petitioners ang kanilang paglalakbay para protektahan ang kalikasan, ngunit nakalulusot umano ang korupsiyon kahit sa mga protected areas at watershed areas.

Ayon sa kanila, may mga opisyal na korap na nagtatago ng mahahalagang impormasyon na nagiging dahilan ng pagkasira ng kalikasan.

Matatandaan na nilagdaan ang FOI manual noong panahon ni Environment Secretary Gina Lopez bilang pagsunod sa utos ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng buong access sa impormasyon.

Ngunit ayon sa petisyon, mas nakikiling ang manual sa pagtatago ng mahahalagang datos kaysa sa pagbibigay ng kaalaman sa publiko. Kabilang sa mga respondents sa petisyon sina Executive Secretary Ralph Recto at si Environment Secretary na si Raphael Lotilla.