-- ADVERTISEMENT --

Iniutos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Epal Policy sa buong bansa.

Ayon sa inilabas na memorandum circular ng ahensya, ipinagbabawal ang paglalagay ng pangalan, larawan, logo, initials, kulay, slogan, o anumang simbolo ng mga politiko sa mga proyekto, programa, aktibidad, at ari-arian ng gobyerno na pinondohan ng pera ng publiko.

Layon ng direktibang ito na matiyak na ang mga proyekto ng pamahalaan ay hindi ginagamit bilang personal na plataporma para sa pagpapakilala o promosyon ng mga opisyal.

Binibigyang-diin ni DILG Secretary Jonvic Remulla na ang mga programa at proyekto ng gobyerno ay dapat magsilbi sa mamamayan at hindi sa interes ng personal na kredito ng sinumang politiko.

Hinihikayat ng DILG ang publiko na mag-report ng anumang paglabag sa nasabing patakaran upang matiyak ang tamang implementasyon nito sa lahat ng lokal na pamahalaan at tanggapan ng DILG sa bansa.