Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na wala pang pinal na desisyon hinggil sa panukalang paglipat sa trimester system sa mga paaralan sa bansa at ito ay nananatili pang sinusuri.
Ginawa ng kagawaran ang paglilinaw sa gitna ng tumitinding pangamba at mga tanong mula sa ilang mambabatas, grupo ng mga guro, at iba pang education stakeholders. Ayon sa DepEd, nagpapatuloy ang kanilang masusing pag-aaral at serye ng konsultasyon kaugnay ng mungkahing pagbabago sa academic calendar.
Nauna nang umani ng kritisismo ang naturang panukala, kung saan kinuwestyon ng ilang sektor ang kahandaan ng kasalukuyang sistema para sa ganitong pagbabago. Ilan sa mga isyung ibinabato ng mga kritiko ay kung paano matutugunan ng trimester setup ang matagal nang suliranin tulad ng kakulangan sa silid-aralan at ang mabigat na workload ng mga guro.
Kinilala naman ng DepEd ang mga sentimyentong ito. Iginiit ng ahensya na nauunawaan nila ang pangangailangan para sa mga structural reform at ang pagresolba sa mga systemic issues sa sektor ng edukasyon, kabilang ang pangangalaga sa kapakanan ng mga guro.













