SOUTH COTABATO — Muling iginiit ng Department of Education (DepEd) South Cotabato ang mahigpit nitong Zero Tolerance Policy laban sa anumang uri ng child abuse, kasunod ng kumpirmasyon na nakatanggap ito ng incident intake sheet report kaugnay ng umano’y kaso ng sexual child abuse na kinasasangkutan ng isang guro sa lalawigan.
Ayon kay Atty. Arnel Bien, Legal Officer III ng DepEd South Cotabato, ang nasabing ulat ay kasalukuyang nasa pangangalaga ng child protection specialist ng division at dumaraan sa itinakdang proseso, kabilang ang pagre-refer nito sa DepEd Regional Office para sa kaukulang aksyon.
Ipinaliwanag ni Bien na mahigpit ang sinusunod na mekanismo ng ahensya sa paghawak ng mga reklamo, lalo na ang mga sensitibong kasong may kinalaman sa pang-aabuso sa mga bata. Sa loob ng 48 oras mula sa pagtanggap ng impormasyon, inaatasan ang Child Protection Committee (CPC) na magsumite ng incident intake sheet report na naglalaman ng detalye ng reklamo at mga rekomendasyon para sa mga paunang hakbang.
Sa loob naman ng 72 oras, kinakailangang makapagpatupad ng initial action ang disciplinary authority batay sa ulat. Kapag may sapat na basehan ang reklamo, maaaring isailalim sa preventive suspension ang inirereklamong guro habang isinasagawa ang imbestigasyon.













