-- ADVERTISEMENT --

Pinabulaanan ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang mga pahayag na nag-walk out ang kanilang lead counsel na si Atty. Sheila Sison sa ikalawang araw ng impeachment trial noong Martes, Hulyo 7.

Lumabas ang isyu habang sinasagot ni private prosecutor Atty. Amando Ligutan ang tanong ni Senator-Judge Risa Hontiveros kung maituturing na impeachable offense ang umano’y grave threats na iniuugnay kay Vice President Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker at Leyte First District Representative Martin Romualdez.

Habang nagpapatuloy ang paliwanag ni Ligutan, napansin nitong wala na si Sison sa session hall at sinabi nitong tila gumagawa umano ito ng “eksena.” Makalipas ang ilang sandali ay bumalik naman ang abogado sa pagdinig.

Sa isinagawang press briefing matapos ang pagdinig, nilinaw ni defense spokesperson Atty. Michael Poa na walang naganap na walkout. Aniya, pansamantala lamang umalis si Sison upang magtungo sa comfort room.

Ayon kay Poa, karaniwan lamang ang panandaliang paglabas ng mga abogado sa gitna ng mahabang pagdinig. Aniya, maging siya ay ilang ulit ding lumabas ng session hall sa buong araw ng paglilitis.

Dagdag pa ni Poa, agad na bumalik si Sison nang marinig nitong nabanggit ang kanyang pangalan sa pagdinig at ipinaliwanag na ang kanyang pag-alis ay para lamang sa isang toilet break, at hindi bilang pagprotesta o pagtalikod sa mga proceedings ng impeachment court.