KORONADAL CITY — Binigyang-diin ni Roland Sagan, isang para-athlete na lumahok sa 13th ASEAN Games, na mahalaga ang dedikasyon, tapang, at pananampalataya sa Poong Maykapal upang magtagumpay sa mga kompetisyong sinalihan.
Ito ang ibinahagi ni Sagan sa isa naging panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Sagan, hindi naging madali ang kanyang landas bilang atleta, lalo na’t may pinagdadaanan siyang suliranin sa paningin.
Gayunman, iginiit niya na hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy ang kanyang pagsasanay at tuparin ang kanyang mga pangarap sa larangan ng sports.
Dagdag pa ni Sagan, hangad niyang patunayan hindi lamang sa kanyang sarili kundi pati sa iba na may kakayahan siyang magtagumpay sa kabila ng kanyang kapansanan.
Aniya, ang determinasyon at tiwala sa sarili ang nagtulak sa kanya upang magpatuloy at magsikap.
Nagpahayag din ng pasasalamat si Sagan sa patuloy na suportang natatanggap mula sa kanyang mga kaibigan at tagasuporta, lalo na sa kanyang mga kababayan sa bayan ng T’boli, South Cotabato.
Sa huli, nanawagan si Sagan sa mga taong may kaparehong kalagayan na huwag mahiyang sumali sa mga palakasan na kanilang kinahihiligan.
Aniya, mahalagang ipakita sa lipunan at sa sarili na kayang abutin ang mga pangarap kahit pa may kakulangan.













