Isinuko na ng mga nagreklamo ang kanilang karapatang magsumite ng reply sa impeachment case laban kay Sara Duterte, matapos umano nitong hindi masagot nang maayos ang mahahalagang alegasyon laban sa kanya.
Ito ang pahayag ni Leila de Lima, kinatawan ng Mamamayang Liberal Partylist.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice, ipinaliwanag ni De Lima na matapos nilang suriin ang isinumiteng sagot, napag-alaman nilang hindi nito direktang tinugunan ang mga paratang. Dahil dito, sinabi niyang wala nang kailangang sagutin pa ang panig ng mga complainant.
Binatikos din niya ang tugon ng kampo ni Duterte, dahil inuulit lamang umano nito ang mga isyung napagpasyahan na ng komite at nagpapakita ng kalituhan sa pagitan ng mga pangunahing katotohanan at ebidensya.
Kabilang sa anim na basehan ng reklamo ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, katiwalian sa Department of Education, planong pagpatay sa Pangulo at iba pang opisyal, hindi maipaliwanag na yaman, at mga aktibidad na may layuning magdulot ng destabilisasyon.
Ayon pa kay De Lima, hindi nasagot nang maayos ang mga isyu tulad ng pagbabanta, paggamit ng pondo, audit findings, at hindi kumpletong SALN. Dahil dito, iginiit niyang dapat nang ipagpatuloy ng komite ang pagtalakay kung uusad ang impeachment case.













