-- ADVERTISEMENT --

Sugatan at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang isang dating preso matapos pagbabarilin sa bahagi ng Victory Homes, Guanzon Village, Barangay Morales, Koronadal City pasado alas-7 ng gabi, Hulyo 29, 2025.

Kinilala ang biktima na si Jerry Sisnorio, isang magsasaka at dating bilanggo na ngayo’y nakalaya na. Ayon kay Police Captain Marvin Rivera, agad silang rumesponde matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa insidente at inabutan ang mga BPATs na nagbibigay ng tulong sa biktima.

Batay sa imbestigasyon, tinambangan umano ang biktima habang nakatayo sa harap ng kanyang kubo. Tinamaan ito ng bala sa likod at duguan nang datnan ng mga awtoridad.

Dahil mahirap pasukin ng ambulansya ang lugar, ginamitan pa ng duyan para maibaba ang biktima at maisakay sa naghihintay na ambulansya. Kaagad siyang dinala sa South Cotabato Provincial Hospital para sa agarang lunas.

Sa kabila ng kalagayan, nagawa pa ni Sisnorio na ituro ang umano’y suspek na si alyas “Moreto“. Ngunit sa kalaunan, lumabas na maling tao ang tinukoy ng biktima. Naglabas siya ng affidavit na hindi na magsasampa ng kaso, kaya pinalaya rin ang sumukong suspek.

Sa ngayon, patuloy pa ring iniimbestigahan ng mga otoridad kung sino ang tunay na responsable sa pamamaril at kung ano ang motibo sa likod ng krimen.