-- ADVERTISEMENT --

Muling sumiklab ang matagal nang personal na alitan sa pagitan ng dalawang grupo sa Barangay Sapakan, Mamasapano, Maguindanao del Sur, matapos ang umano’y pagtanan ng anak ng isang miyembro ng MILF at kapatid ng isang barangay chairman, na nauwi sa palitan ng putok noong hapon ng Biyernes, Agosto 1.

Ayon sa ulat ni Lt. Col. Roden Orbon, tagapagsalita ng 6th Infantry Division, nagsimula ang engkuwentro bandang 1:35 ng hapon sa pagitan ng grupo ni Sukor Guiamalon, kasapi ng 106th Base Command ng MILF-BIAF, at ng grupo ni Mohamad Tatak, Punong Barangay ng Sapakan.

Sa inisyal na imbestigasyon, matagal nang may hidwaan ang dalawang panig na lalo pang lumala dahil sa insidente ng pagtanan.

Agad na rumesponde ang mga tropa ng 33rd Infantry Battalion, sa pangunguna ni Lt. Col. Legada, katuwang ang mga opisyal ng barangay at lokal na pamahalaan upang pigilan ang paglala ng tensyon. Sa tulong ng negosasyon at presensiya ng militar, naawat ang putukan matapos ang halos dalawang oras.

Wala pang kumpirmadong ulat kung may nasugatan o nasawi sa engkuwentro, habang nagpapatuloy ang pag-validate ng mga otoridad sa insidente.

Kinumpirma ni Lt. Col. Legada na naresolba na ang personal na sigalot sa pamamagitan ng dayalogo at interbensyon ng mga otoridad, kasabay ng panawagan sa mga komunidad na iwasan ang paggamit ng karahasan sa personal na mga usapin at pairalin ang mapayapang pag-uusap sa halip.