Pinapayagan muna sa ngayon ang mga empleyado ng DPWH na pumasok na hindi nakauniporme matapos silang maging biktima ng pambubully, pambabastos, at harassment dahil sa mga kontrobersiya sa flood control projects na kinasasangkutan ng ahensya.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, nadadamay ang mga kawani ng kagawaran kahit wala silang kinalaman sa mga alegasyong anomalya at korapsyon.
Dahil dito, naglabas siya ng memorandum noong Martes, September 9, na pansamantalang hindi muna required ang pagsusuot ng prescribed uniform ng mga empleyado bilang bahagi ng kanilang proteksyon.
Dagdag pa ni Dizon, mismong ang union ng mga kawani ang nakiusap na huwag muna silang mag-uniporme dahil sa diskriminasyon at pangmamaliit na nararanasan kahit ng mga matitinong at marangal na naglilingkod sa DPWH.
Matatandaang inamin din ng DPWH Region 12 na nakaranas ng harassment at pambubully ang kanilang mga empleyado at pamilya ng mga ito sa kasagsagan ng kontrobersiya sa flood control projects.