-- ADVERTISEMENT --

Maglalatag ang Department of Agriculture ng suggested retail price na P53 kada kilo para sa lokal na bigas bilang gabay sa publiko sa pagbili ng murang suplay ng bigas sa merkado.

Ayon kay Francisco Tiu Laurel Jr., napagkasunduan ng DA at mga rice stakeholder ang naturang SRP upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng sapat na kita ng mga magsasaka at abot-kayang presyo para sa mga mamimili.

Binigyang-diin ng kalihim na hindi itinuturing na price ceiling ang P53 SRP para sa lokal na bigas, kundi isang reference price lamang upang magkaroon ng gabay ang consumers sa tamang bentahan ng produkto.

Samantala, mananatili naman ang umiiral na P50 kada kilo na price cap para sa imported na five-percent broken rice sa loob ng 30 araw mula Mayo 15.

Ipinaliwanag ni Laurel na nakabatay ang naturang price cap sa tinatayang landed cost ng imported rice na nasa P37 hanggang P38 kada kilo. Aniya, may sapat pa ring espasyo para matugunan ang gastusin sa logistics, posibleng spoilage, at makatwirang kita ng mga importer, trader, at retailer.

Dagdag pa ng DA chief, tuluyan nang ipatutupad sa susunod na linggo ang full implementation ng price cap sa imported rice upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga retailer at mamimili na makapag-adjust sa bagong polisiya.