Isinusulong ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapatupad ng price cap sa retail na bentahan ng imported na bigas upang mapigilan ang hindi makatwirang pagtaas ng presyo sa mga pamilihan.
Ayon kay Francisco Tiu Laurel Jr., umaabot na sa P55 hanggang P58 kada kilo ang presyo ng imported na bigas sa ilang tindahan.
Pinaghihinalaan ng ahensya na may ilang negosyante na ginagamit ang global oil shock at krisis sa Middle East bilang dahilan upang magtaas ng presyo.
Giit ng kalihim, hindi dapat umabot sa ganitong halaga ang presyo ng imported na bigas dahil hindi pa naman tumataas ang gastos sa pag-aangkat nito.
Bilang tugon, magsusumite ang DA ng pormal na rekomendasyon sa Malacañang para sa pagpapatupad ng price cap.
Bilang pansamantalang hakbang upang maiwasan ang biglaang pagtaas ng presyo, naglabas ang DA ng mga bigas na may presyong P45 hanggang P48 kada kilo.
Nilinaw din ng ahensya na ang planong price cap ay hindi sasaklaw sa mga lokal na bigas.













