-- ADVERTISEMENT --

Sinimulan na ng Department of Agriculture (DA) ang barangay-level rollout ng P20 kada kilo na bigas sa Davao City bilang bahagi ng pagpapalawak ng programang “Benteng Bigas, Meron Na!” ng administrasyon.

Ang unang distribusyon ay isinagawa sa Barangay Matina Crossing at sinundan ng Barangay Tungkulan sa Toril District noong Pebrero 20, sa pangunguna ni Assistant Secretary for Agribusiness, Marketing, and Consumer Affairs Genevieve Velicara-Guevarra, kasama ang mga opisyal ng barangay at mga kinatawan mula sa National Food Authority (NFA) at Food Terminal Corporation (FTI).

Ayon kay Guevarra, mahalaga ang aktibong partisipasyon ng lokal na pamahalaan upang matiyak na makarating ang subsidized rice sa mga tamang benepisyaryo, tulad ng mga indigent, senior citizens, persons with disabilities, minimum wage earners, at solo parents. Dagdag pa niya, nakatulong ang P20 Benteng Bigas masterlist registry system, isang online registry ng mga benepisyaryo, upang mapabilis ang beripikasyon at pagbili ng bigas.

Ipinaliwanag din ng DA na napapanahon ang pagpapalawak ng distribusyon dahil puno na ang mga bodega ng NFA. Sa pamamagitan ng mas mabilis na paglalabas ng suplay sa mga barangay, nababawasan ang laman ng mga warehouse at nabibigyan ng pagkakataon ang patuloy na pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka.