Iniimbestigahan na ng Commission on Elections ang mga kumakalat na video na umano’y nagpapakita kay Leandro Leviste na namimigay ng pera sa ilang indibidwal.
Ayon kay George Erwin Garcia, nagsasagawa na ang Comelec ng fact-finding investigation upang matukoy kung kailan naganap ang insidente at kung kandidato na ba si Leviste noong panahong iyon.
Iginiit naman ni Leviste na walang kaugnayan sa halalan ang naturang pamimigay ng pera. Ayon sa kanya, nangyari ito noong panahon ng Pasko at mula umano sa sarili niyang bulsa ang ipinamahaging tulong.
Inakusahan din ng kongresista si Ralph Recto na umano’y nagpapakalat ng video sa social media, bagama’t wala pang kumpirmasyon mula sa kampo nito kaugnay sa alegasyon.
Sinabi rin ni Leviste na hindi dapat agad bigyang-kahulugan bilang vote-buying ang kanyang pagtulong, lalo pa’t aniya ay hindi ito ginawa sa panahon ng eleksyon at hindi rin sa loob ng kanyang distrito.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng Comelec ang publiko at mga kandidato na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng batas ang vote-buying at vote-selling dahil ito ay itinuturing na election offense.













