-- ADVERTISEMENT --

Posibleng sumailalim sa mas malalim na pagsusuri ng Commission on Audit (COA) ang paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), matapos suportahan ng House prosecution panel ang posibilidad ng isang hiwalay na fraud audit.

Ayon kay House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, iba ang fraud audit sa regular na pagsusuri ng COA na nauwi sa notices of disallowance at utos na ibalik ang humigit-kumulang P73 milyon na OVP funds.

Layunin umanong siyasatin sa fraud audit ang mga transaksyon, dokumento at mga indibidwal o aktibidad na sinasabing nakinabang sa confidential funds.

Sa impeachment hearing, sinabi ni COA auditor Xylene Del Campo na wala pang isinasagawang fraud audit at pinag-aaralan pa lamang ng komisyon kung kinakailangan ito.

Samantala, iginiit ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na kabilang sa mga dapat linawin ang ilang aktibidad na iniulat bilang confidential fund expenses kahit isinagawa umano bago pa nailabas ang pondo.

Aniya, hindi maaaring gamitin ang confidential funds bilang reimbursement sa mga gastusing nauna nang naganap o sa mga gastusing dapat saklaw ng regular na pondo ng ahensya.

Inaasahang tututukan naman ng prosecution panel sa susunod na linggo ang mga opisyal na sangkot sa pag-withdraw at paghawak ng confidential funds, kabilang sina OVP special disbursing officer Gina Acosta at dating DepEd special disbursing officer Edward Fajarda.