-- ADVERTISEMENT --

Plano ng grupong Kilusang Makabansang Ekonomiya (MKE) na maglunsad ng isang “People’s Court” o hukumang bayan kasabay ng posibleng impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte sa Senado.

Ayon kay Jaime Regalario, chairman ng MKE, layunin ng hakbang na ito na magkaroon ng masusing pagbabantay ng publiko sa takbo ng ebidensya at proseso ng katarungan.

Target ng grupo na ganapin ang kanilang sariling pagdinig sa loob mismo ng Senado, at balak nilang pakiusapan si Senate President Tito Sotto para sa puwesto rito.

Ani Regalario, kukuha sila ng mga kopya ng ebidensya mula sa Senado upang mailahad sa kanilang forum na lalahukan ng iba’t ibang sektor at mga retiradong mahistrado, kabilang sina dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Reynato Puno.

Depensa ng grupo, hindi ito isang “kangaroo court,” kundi isang lehitimong paraan ng partisipasyon ng mamamayan sa paghahanap ng pananagutan.

Anila, magsisilbi itong “balance” sa magiging desisyon ng Senado sakaling hindi ito tumugma sa katotohanang kanilang malalaman sa sariling pagsusuri.