Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya na isagawa ang “digital fasting” bilang bahagi ng pagninilay ngayong Kuwaresma.
Sa pastoral letter na may pamagat na “Fasting Beyond Food: Inviting Christ into Digital Media Use,” sinabi ng CBCP na ang Kuwaresma, na magsisimula sa Pebrero 18, ay panahon ng mas malalim na paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, pag-aayuno, at paggawa ng mabuti sa kapwa.
Ayon sa mga obispo, bukod sa pagkain, maaari ring bawasan o iayuno ang labis na paggamit ng cellphone, social media, streaming, at online games na nakakaagaw ng oras at nakaaapekto sa spiritual life. Nilinaw nilang hindi ito pagtutol sa teknolohiya, kundi paanyaya na gamitin ang digital media nang may gabay at disiplina ayon sa aral ni Kristo.
Kabilang sa mga mungkahi ang pag-iwas sa paggamit ng telepono bago matulog at pagkagising, pagkakaroon ng device-free meals, pagbabawas ng oras sa social media, at paminsang pagsasagawa ng 24-hour digital fast.













