-- ADVERTISEMENT --

Nahuli sa isinagawang entrapment operation ng pulisya ang isang high value individual at nakunan din ng mga ilegal na droga at baril sa Purok Romana State, Brgy Heights, General Santos City.

Kinilala ni Police Brigadier General Percival Augustus Placer, PRO 12 Regional Director ang suspek na si alyas “Butch”, 45 anyos, caretaker na residente ng Brgy Labangal, General Santos City.

Ayon kay PBGen Placer, bandang 4:21 ng hapon nang magsagawa ng opersyon ang mga operatiba ng General Santos City Police Office-Police Station 5, 10 at 4 kasama ang City Mobile Force Company.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang yunit ng cal.45 na baril na may kasamang magazine at pitong bala, 25 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng pinaghinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 60.1 gramo na nagkakahalaga ng Php408, 000 at Php500 bill bilang entrapment money.

Mahaharap ang nahuling suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act at kasong may kinalaman sa droga.

Samantala, hinikayat naman ng PRO 12 ang publiko na makipagtulungan sa kanila para mapigilan ang pagkalat ng illegal na mga baril at droga sa rehiyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan ng komunidad.